NAG-ALOK na ang Philippine National Police (PNP) ng cash rewards sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang anim na holdaper, tatlo rito ay nakilala sa tulong ng security camera footage.
Ani National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Leonardo Espina, P300,000 pabuya ang ibibigay sa makapagtuturo sa mga suspek na sina Alex Dimalen, Nasrudin Andal at Tho Mangulamas.
Ang reward money aniya ay mula sa civil society groups na hindi niya ibinigay ang pagkakakilanlan.
Ang tatlong suspek ay positibong kinilala ng ilan sa mga testigo bilang nagkasa ng panghoholdap sa The Jeweller at F & C Jewelry stores na nasa ground floor ng SM mall main department store noong nakaraang Enero 26.
Si Mangulamas, lider ng grupo ay suspek din sa Agosto 16, 2010 Tambunting pawnshop robbery sa Metropoint Mall sa Pasay City.
Base sa ballistics exam, ang dalawang .45-cal. bullets na narekober sa Megamall heist ay tumugma sa apat na cartridges na natagpuan naman sa niransak na Tambunting pawnshop.
Ani pa ni Espina na si Andal ang may hawak ng baril at nagpaputok ng dalawang beses sa mall upang takutin ang mall shoppers.
Si Dimalen naman ang bumili ng wrench sa isang hardware store na nasa loob ng mall bago ikinasa ang panghohodap.