NAPOSASAN ng awtoridad ang top rebel leader ng Kalinga na si Kennedy Bangibang, na kilala sa tawag na “Ka Akhbar,” sa isang checkpoint sa Bangao, Buguias town, Benguet.
Ani Chief Superintendent Benjamin Magalong, Cordillera regional police director, ang ang mala-palos na si Bangibang, may patong sa ulo na P2.5 milyon pabuya ay patungo sa isang communist movement “plenum” sa Sagada town, Mt. Province nang mahuli ng pulisya at military intelligence agents.
Mag-isa lamang aniya si Bangibang nang maaresto.
Si Bangibang ang sekretarya ng Kilusang Larangang Gerilya (Guerilla Front) codenamed “Baggas” na nag-ooperasyon sa Kalinga at sa iba pang parte ng Apayao province.
Si “Ka Akhbar” ang pinakamataas na NPA leader na nakorner ngayong taon matapos kay Grayson Naogsan, anak ni Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF) spokesperson Simon Naogsan.