TAGUIG CITY – HINDI nakaligtas sa ngitngit ng taumbayan ang isang pahinante na itinuturing na hayok sa laman, matapos itong kuyugin sa kahabaan ng C5 MLQ Avenue, Purok 1, Barangay New Lower Bicutan dahil sa ginawa umano nitong pang-aabuso sa isang grade two pupil ng naturang lungsod, kahapon ng umaga.
Halos panawan ng ulirat sa tindi ng tinamong bugbog sa katawan ang itinuturong salarin sa panghahalay na nakilalang si Sandy B. Champo, 39, pahinante ng garbage truck at nakatira sa 634 Scorpion Street, Palar, Taguig City samantalang ang biktima naman ay itinago sa pangalang Millet.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga elemento ng Barangay Security Force, nabatid mula sa biktima na dakong alas 7:00 ng umaga ng dahasin siya at abusuhin ng suspect habang natutulog doon sa loob ng silid na inuupahan ng kanyang mga magulang.
Pagkalipas ng pang-aabuso, pinagbantaan pa umano ng manyak na pahinante ang buhay ng biktima, subalit ng dumating ang kanyang ina, lumuluha itong nagsumbong.
Sa reklamong ipinarating ng ina ng biktima sa mga awtoridad, nadatnan umano nitong umiiyak at nanginginig sa takot ang kanyang anak dahilan upang usisain niya ito at ng mabatid ang nangyari, agad itong nakipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Sa himpilan ng BSF, mabilis na ginalugad ng mga deputized police force nito ang mga lugar na posibleng pagtaguan ng salarin at ng matagpuan ay nagtangka pang tumakas subalit kinuyog ito ng taumbayan na naroroon.
Dahil sa matibay na testimonya ng biktima at medico legal ng Camp Crame, nahaharap sa kasong statutory rape ang nakulong na salarin.