PINATAWAN ng habambuhay na pagkabilanggo ng Quezon City Regional Trial court ang isang lalaki matapos mapatunayang nagkasala ng pananaksak at pagpatay sa kanyang kainuman sa naturang lungsod may pitong taon na ang nakalilipas.
Bukod sa habambuhay na pagkabilanggo pinagbabayad din ni QC RTC Branch 77 Judge Germano Francisco Legaspi ang akusadong si Michael Camacho na bayaran ng halagang P143, 500 bilang danyos ang mga naulila ng biktimang si Eddie Balangue na napaslang noong April 14, 2006.
Ayon sa korte, nakakita ito ng qualifying circumstance of treachery sa naganap na krimen kayat habambuhay na pagkabilanggo ang iginawad sa akusado.
Batay sa record ng korte, sinabi ng saksi na si Annaly Rola na noong nabanggit na araw ay nakita niya na nag-iinuman sina Randy Bustamante, Jason Rola, at ang biktimang si Balangue, isang Elmo Bustamante at ang akusado.
Nagsimula umano ang inuman ganap na 11:00 ng umaga at natapos ng alas 3:00 ng hapon. Noong panahong iyon, nagsiuwian na ang mga nabanggit at tanging ang biktima at suspek na lamang ang naiwan sa lugar.
Nakatulog umano si Balanque sa isang upuan at doon ay walang sabi-sabing sinaksak hanggang sa mapatay ng akusado ang biktima.