KAKASUHAN ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 12 pulis ng Quezon City Police District (QCPD) na nakuhanan sa video na nakikipag-agawan sa mga kumpiskadong paputok sa Camp Karingal noong Sabado.
Kitang-kita sa video kung paanong matapos iprisinta sa media ang mga nakumpiskang paputok, ay agad na nag-agawan ang mga pulis.
Binusisi ng QCPD ang naturang video at tinukoy kung sino-sino ang mga sangkot na pulis.
Kabilang sa mga ito ay sina C/Insp. Michael Sanchez, PO3 Jay Bonifacio Raz, PO1 James Bareo, PO3 Boy Clarito Blancad, PO1 Eric Bote, SPO1 Ricardo Llena, PO1 Richard Paz, PO1 Raymar Consejo, PO1 Gerlad Coronel, PO3 Robert Rodillas, PO1 Jaypee Tabu at PO2 Winston Quintos.
Ayon kay QCPD Deputy District Director for Administration S/Supt Joel Pagdilao, dadaan sa tamang proseso ang mga nabanggit na pulis at pagpapaliwanagin sa kanilang nagawa.
Kasong grave misconduct at neglect of duty naman ang isasampa laban sa mga opisyal na naroon sa insidente bunsod ng kahihiyan na idinulot nito sa QCPD.
Inaasahang madadagdagan pa ang mga kakasuhan dahil hindi pa tapos ang pagbusisi sa video upang matukoy ang iba pang sangkot na pulis.