TINATAYANG aabot sa halos P1 milyon halaga ng alahas at cash ang natangay ng mga hinihinalang miyembro ng Acetylene Gang matapos looban ang isang panwshop sa Pioneer Avenue, General Santos City.
Nadiskubre ang pagnanakaw sa pawnshop nang bumalik na sa trabaho ang mga empleyado Miyerkules ng umaga.
Mahigit sa P900,000 ang halaga ng mga alahas maliban pa sa P60,000 na cash ang nakuha sa naturang bahay sanglaan.
Sa imbestigasyon, lumalabas na napasok ang nasabing pawnshop matapos gumawa ng hukay ang mga suspek papuntang box culvert hanggang sa makarating sa loob ng pawnshop.
Naging palaisipan naman sa pulisya kung bakit hindi tumunog ang alarm ng pawnshop kaya hindi nakaresponde ang mga awtoridad.
Narekober ng pulisya ang dalawang jack, maliit na acetylene tank, martilyo, steelbar, isang pala at pinggan na posibleng ginamit panghawi ng buhangin.
Naniniwala ang pulisya na planado ang pagransak sa nasabing pawnshop at inaalam pa kung anong grupo ang may gawa sa krimen.