DAHIL nadaig ang pambayad para mai-takehome ang isang guest relation officer (GRO) na pareho nilang kursunada, binaril at napatay ng isang security guard ang kanyang karibal na lolo sa Iloilo City nitong Linggo ng madaling araw (Marso 4).
Nagtamo ng tama ng .9mm caliber pistol sa dibdib at namatay noon din ang biktimang si Eduardo Golanes, 60-anyos ng Barangay Bario Obrero, Lapuz, Iloilo City.
Hinahanting na ngayon ng pulisya para panagutin sa krimen ang suspect na si Ivan Margoreho, 25-anyos, walang permanenteng tirahan.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas 12:45 ng madaling araw sa isang night spot sa may Arroyo St., Iloilo City.
Bago ito, nagkasundo na ang suspect at ang isang GRO sa naturang night spot na hindi pinangalanan na iuuwi niya ito kapalit ng P100.
Pero nang dumating ang biktima ay nagabot agad ito sa naturang GRO ng P500 kapalit ng serbisyong sekswal na agad namang sinunggaban ng huli.
Lingid sa biktima at sa GRO, kaya pala biglang nawalang parang bula ang suspect sa night spot ay pumuwesto na ito sa daraanan ni Golanes at pagkatapat sa kanya ay kanya itong binaril bago tumakas.