KINUMPIRMA ng National Bureau of Investigation (NB) ang napaulat na dinukot ang bayaw ng isa pang pyramiding scam na si Jachob “Coco” Rasuman, na pinaniniwalaang konektado sa pambibiktima ng maraming residente sa Mindanao.
Ani Atty Virgilio Mendez, NBI deputy director for regional operations services, ang dinukot ay si Henry Khalid Tomawis, kapatid ng asawa ni Rasuman.
Si Tomawis ay dinukot nitong Sabado, Marso 2, alas 3:00 ng hapon sa highway na papunta ng Iligan galing ng Marawi.
Sakay si Tomawis ng SUV nang harangin sa Barangay Payawan , bayan ng Baloi sa Lanao del Norte nang humigit kumulang sa 20 armadong kalalakihan.
Natagpuan na ng PNP ang sasakyan ni Tomawis sa bayan din ng Baloi.
Patuloy pang inaalam ng pulisya katuwang ang militar kung saan itinatago ng mga kidnaper si Tomawis.
Hindi naman iniaalis ng NBI ang posibilidad na konektado ang pagdukot sa kabiguan ng grupo ni Rasuman na maibalik ang perang ipinuhunan ng kanyang mga investor matapos mapaso nitong Pebrero 28 ang deadline para sa pagbabayad sa mga nabiktima ng kanyang pyramiding scam.