NAKURYENTE ang isang company manager nang mabagsakan ng live wire na pinutol ng isang technician sa Tacloban City kaninang umaga.
Nagtamo ng third degree burn sa buong katawan at namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktima na si Jonathan Caviero 46-anyos, manager ng Pambato Cargo Rorwarder Inc. at residente ng Barangay 83-C Taguiktik, San Jose, Tacloban City.
Plano namang sampahan ng kaukulang kaso ng pamilya ni Caviero ang barangay technician na si Eddie Dotado dahil sa command responsibility na nagresulta sa pagkamatay ng biktima.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong-6 ng umaga sa bakuran ng bahay ng biktima.
Ayon sa asawa ni Caviero na si Celerina, inarkila nila si Dotado, na ipinakilala ng kapitan at kagawad ng naturang barangay upang kumpunihin ang nakabitin na kable ng koryente na malapit sa kanilang bahay.
Pero pinutol aniya ng naturang technician ang kable na dahilan upang mahulog ito at makuryente ang kanyang mister.
Nakita na lamang ng mga kaanak ng biktima na nangingitim na ang kanilang mahal sa buhay dahil sa pagkasunog ng kuryente.