DEDO ang isang 30-anyos na bowling mechanic makaraang magbaril sa sarili sa Tondo, Maynila, Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ang namatay na biktima na si Charlie Torres, tubong Lucena at residente ng Abad Santos Avenue, Tondo, Maynila, na nagtamo ng tama sa kanang sentido.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO1 Charles John Duran ng Manila Police District Homicide Section, dakong 1:00 ng umaga nang makita ang duguang bangkay ng biktima sa loob ng ladies’ bathroom sa 8th flr. ng Sure Shots Sportsville, sa panulukan ng Abad Santos Avenue ng nasabing lungsod.
Nabatid na iniwan ng security guard ng gusali na si Raul Labe, 29, ang kanyang .38 armscor bago ito umuwi sa bahay sa Dinalupihan, Tondo dakong 12:00 ng madaling araw.
Bago pa umano ito makalabas ng gusali ay naiwan niya ang biktima na nakikipagkwentuhan sa isa pang security gurad na si Raymond Bajala, 26, ng 13-C MH del Pilar Mabolo St., Valenzuela City.
Nang bumalik si Labe makalipas ang 30 minuto ay wala na sa kanyang mesa ang baril. Nang tanungin nya si Bajala ay hindi naman umano nito ginalaw ang armas ng kasamahan.
Inakyat ni Labe si Torres sa tinutulugan nito sa 8th flr. upang tanungin at doon ay nakita niya ang biktima na duguang nakahandusay katabi ang hinahanap n’yang baril.
Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kung may naganap na foul play sa naganap na insidente.