MARIING kinundena ng Alyansa ng Filipinong Mamamahayag o AFIMA ang tangkang pagpatay sa lokal na mamamahayag sa Cavite na si Jun Valdecantos.
Si Valdecantos ay binaril ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo sa Aguinaldo Highway kahapon ng umaga.
Ayon kay AFIMA acting president Marlon Purificacion, nababahala sila na kung hindi mabibigyan ng katarungan si Valdecantos ay susundan pa ito mas marami pang mga pag-atake sa mga mamamahayag.
Kaugnay nito, nanawagan si Purificacion sa administrasyong Aquino na itigil na ang pagiging manhid sa problema ng media killings at sa halip ay panagutin ang mga nasa likod ng nasabing krimen bago pa man may panibagong kagawad ng media na muling magbubuwis ng buhay.
Nagtataka si Valdecantos kung paanong nagaganap ang ganitong uri ng krimen gayong kasalukuyang umiiral ang election gun ban at naglipana sa mga komunidad ang mga police checkpoint.
Kasabay nito, ipinapanalangin din ng AFIMA ang mabilis na paggaling ni Valdecantos.