TINATAYANG P3 milyon ang natangay ng mga holdaper sa may-ari ng isang money changer sa Zamboanga City kagabi.
Nabatid na bandang alas-7:00 ng gabi habang pauwi na sa kanilang bahay ang negosyanteng si Joseph Aceros Young, may-ari ng Jet 23 Money Changer sa may La Purisima Street ng lungsod sakay ng kanyang service vehicle pasado nang mangyari ang holdapan.
Biglang lumitaw ang dalawang magnanakaw habang papasok ang biktima sa gate ng kanilang bahay sa may Brgy. Talon-Talon at bigla na lamang tinutukan siya ng baril saka nagdeklara ng holdap.
Wala na ring nagawa ang negosyante kung hindi ibigay na lamang ang kanyang bag kung saan nakalagay ang malaking halaga ng pera.
Malayang nakatakas ang mga holdaper sakay ng isang motorsiklo.
Dahil madilim sa lugar, hindi umano namukhaan ng biktima ang mga suspek kahit hindi naman nakatakip ang kanilang mga mukha.