INARESTO ng mga babaeng jail guard ang 28-anyos na ginang nang mabuking ang tangkang pagpuslit nito sa loob ng city jail ng 60-piraso ng sigarilyo at hindi pa batid na dami ng shabu na itinago sa loob ng kanyang maselang parte ng katawan kanina sa Pasay City.
Tinangkang ipuslit ni Ronilda Lagunay, ng 11 Kapisanan St., Barangay Malibay, ang ilang gramo ng shabu at mga sigarilyo ngunit nabisto nang kapkapan nina JO2 Edna Iglesia at JO1 Louella Penera sa search room ng Pasay City Jail (PCJ) la-1:35 ng hapon.
Hindi pa man natatapos kapkapan ng dalawang jail guard si Lagunay nang aminin nito na may inilagay siyang shabu at sigarilyo na nakabalot sa aluminium foil, isinilid sa condom at ipinasok sa maselang parte ng kanyang katawan
Nadumi pa sa search room ng PCJ si Lagunay sa tindi ng dinanas na hirap na mailabas sa loob ng kanyang puwerta ang ipinasok na shabu at sigarilyo na naging dahilan upang maantala ang pagsasagawa ng imbestigasyon.
Sa tinanggap namang report ni Supt. Branden Fulgencio, warden ng PCJ, dadalawin ni Lagunay ang kalive-in na si Randy Riodo na nahaharap sa kasong frustrated murder nang kausapin siya ng isang Maria Cristina Marcelo na asawa naman ng bilanggong si Abelardo Marcelo, alyas “Barok” na nahaharap sa kasong murder upang ipuslit papasok ang shabu at sigarilyo.
Pinangakuan ni Marcelo si Lagunday na babayaran ng P1,500 sa oras na maipuslit ang ibinigay na sigarilyo at shabu na nakapaloob sa isang condom.