ITINUMBA ng New People’s Army rebels ang isang lalaking kilalang magnanakaw ng hayop sa Camarines Sur kaninang madaling araw (Marso 16).
Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng kalibre 45 sa dibdib at namatay noon din ang biktimang si Dominador Rompe, 39-anyos, residente ng Barangay Calinatao.
Kumpirmado naman na ang bumaril sa biktima ay mga NPA rebels matapos na may nakita ang awtoridad ng sulat ng pag-aako na mula sa rebeldeng grupo ng Edmundo Jacob command na nakabase sa Riconada area sa loob ng isang plastic container na iniwan sa tabi ng bangkay ni Rompe.
Ayon kay SPO1 Marcelo Trinidad ng Sagnay PNP, nadiskubre ang bangkay ni Rompe dakong alas 2 ng madaling araw ilang metro lamang ang layo sa bahay nito.
Bago ito, nagtungo sa nasabing presinto si Pfc Charlie Ensinas at ipinaabot ang pagkakadiskubre sa bangkay.
Sa pagresponde ng pulisya nakita ang katawan ni Rompe na nakahandusay sa kalsada.
Ayon sa mga residente, si Rompe ay kilalang magnanakaw sa kanilang lugar ng mga alagang baka at kalabaw.
Ito ang ikalawang insidente ng pamamaril sa bayan ng Sagñay ngayong linggo makaraan mapatay din ng mga rebelde ang isa namang asset ng militar na si Ferdinand Bantal.