PUSPUSANG tinutugis ngayon (Enero 6) ng awtoridad ang limang armadong kalalakihan na bumaril sa isang bus conductor sa Quezon City nitong nakaraang Biyernes ng madaling araw.
Sinabi ng Quezon City Police District (QCPD), na bukod sa armado ng baril ang mga suspect na inilarawan na 20 hanggang 25-anyos, na lubhang mapanganib para sa riding in public, nagpapakita rin na may kakayahan silang pumatay kung kinakailangan o mga nagiging ‘trigger happy’ kapag nag-init ang ulo.
Bukod pa rito, hinala rin ng pulisya na posibleng mga holdper ang mga suspect pero hindi natuloy ang balak na panghoholdap dahil sa pagbaril nila sa biktimang si Romel Monter, bus conductor ng Mayamy bus (TXM-386) at residente ng San Jose del Monte, Bulacan .
“Kapag ganito ang estilo ng isang grupong naghahanap buhay sa maruming pamamaraan, ang buhay ng publiko ang malalagay sa panganib, kaya kailangang kumilos para mahuli sila” pahayag ng QCPD investigator.
Sa pagsisiyasat ni SPO1 Pascual Fabreag, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, naganap ang insidente dakong alas 3 nitong nakaraang Biyernes ng madaling araw sa BR Road at Commonwealth Avenue, sa Q.C.
Bago ito, sumakay ang mga suspect malapit sa Amparo Subdivision sa Caloocan City pero nang sisingilin na ng biktima sa pamasahe ay nagtalo dahil hindi nagkasundo sa bayad sa pasahe.
Sa gitna ng pagtatalo, binaril ng isa sa mga suspect ang biktima bago nagsibaba sa may Commonwealth Avenue habang isinugod naman ng bus driver na si Pablo Lopez ang biktima sa Malvar Hospital sanhi isang tama sa dibdib. Namatay naman si Monter ilang oras matapos itong ilipat sa East Avenue Medical Center (EAMC).