PATAY ang 28-anyos na driver ng isang pampasaherong jeepney nang sumalpok sa kasunod na sasakyan ang minamaneho nang atakehin sa puso sa Sampaloc, Maynila kagabi.
Idineklarang dead on arrival sa Mary Chiles Hospital ang biktimang si Rolly Salon ng 124 Quezon St., Poblacion, Muntinlupa City.
Sa report ni SPO1 Richard Escarlan ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 7:30 ng gabi nang naganap ang insidente sa Kanto ng Bustillos at Lagarda Sts., Sampaloc, Manila.
Sa salaysay ni Francisc Lo Jr., nakita niya ang biktima na pagewang-gewang ang minamanehong sasakyan na may rutang Pasig-Quiapo hangang sa salpukin nito ang kasunod na sasakyan.
Agad namang tinulungan ni Lo ang biktima na noon ay sapu-sapu ang kanyang dibdib at hinahabol ang paghinga saka dinala sa nasabing pagamutan ngunit hindi na rin umabot pang buhay.