SUGATAN ang tatlo katao makaraang magkaroon ng gulo sa isang bar sa Quezon City pasado alas-2:00 kaninang madaling-araw.
Base sa kuha sa closed-circuit television (CCTV), magkatalikurang umiinom ang suspek at biktima nang bigla na lamang tumayo ang suspek at pinalo ng bote sa ulo ang huli.
Dahil sa takot, nagtakbuhan ang mga customer habang nabugbog naman ang suspek na inawat din agad ng mga bouncer.
Kasalukuyang nakakulong na ang suspek na hindi pa nagbibigay ng kanyang pahayag.
Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon kung ano ang motibo ng gulo.