ISINASAILALIM na sa inspeksyon ang mga sasakyang pandagat na maglalayag ngayong Holy Week.
Ayon kay Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Atty. Nicasio Conti , layon nito na maiwasan ang anumang aberya at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang lalawigan o probinsya.
Kabilang umano sa iinspeksyunin ng MARINA kung kumpleto ang barko ng kanilang life saving gadgets gaya ng life jacket, life boat at mga radio communication device.
Hindi rin ligtas ang mga tripulante ng mga barko dahil maging sila ay hinanapan din ng sertipikasyon na patunay na dumaan sila sa masusing pagsasanay.
Dahil dagsa ang pasahero sa mga pantalan sa Semana Santa, pinayuhan ng MARINA ang publiko na iwasang sumakay sa mga illegal na sasakyang pandagat o mga kolurum upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa karagatan.
Bukod dito, hahanapan din anila ng registration ang mga bangkang naglalayag sa mga isla lalo pa’t maraming turista ang dadagsa ngayong Semana Santa.
Paliwanag ni Conti, sakali magkaaberya sa karagatan ay wala silang makukuhang insurance dahil kolurum ang kanilang sinakyan.