MULING nagprotesta ang mga maralita sa punong tanggapan ng Department of Health sa Maynila ngayong umaga. Ito ay upang tutulan ang planong pagsasapribado ng mga pampublikong ospital, kung saan nangunguna ang Philippine Orthopedic Center na nakatakdang maselyuhan na ang pagsasapribado sa pagpasok ng buwan ng Mayo.
Bilang tugon sa pribatisasyon sa sektor pangkalusugan, magkakasa sa Miyerkules ang iba’t ibang grupo ng mga maralita sa Metro Manila sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ng limang minutong panghaharang ng ilang mga kalsada. Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng isasagawang malawakang Protestang Bayan vs Nagtataasang Presyo, Pribatisasyon at Pagtataksil sa Soberanya sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno.
Nanawagan din ang mga maralita sa mga motorista at pasahero na maaapektuhan ng nasabing road blockade na makiisa sa kanilang panawagan sa administrasyong Aquino na itigil na ang planong malawakang pagsasapribado ng mga pampublikong ospital sa bansa.
Nagpahayag din ang Koalisyon laban sa Pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center at mga Pampublikong Ospital-Quezon City hinggil sa plano nilang paglahok sa simbolikong barikada sa ilang mayor na kalsada sa QC sa nasabing petsa.
Ayon kay Leon Peralta, tagapagsalita ng koalisyon, malaki ang magiging epekto sa mga maralita ng QC ng planong pagsasapribado ng mga ospital sa lungsod gaya ng Philippine Orthopedic Center at Quirino Memorial Medical Center, maging ng mga pampublikong ospital sa katabing mga syudad.
Ang ilan sa mga kalsada sa QC na planong sandaling barikadahan sa Miyerkules ay ang North bound lane ng EDSA, Mindanao Avenue at Payatas Road.
Community hopping
Patuloy din umano ang kanilang panghihikayat sa mga maralita partikular sa Lungsod Quezon upang lumahok sa gaganaping kilos-protesta sa Miyerkules, dagdag ni Peralta.
Pagkatapos ng kanilang protesta sa tanggapan ng DOH ngayong umaga ay nag-iikot ang ilang kasapi ng koalisyon sa ilang mga maralitang komunidad dala ang panawagan ng paglahok sa nalalapit ng protestang bayan.
Pagsasapribado ng POC
Ayon naman kay Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng KADAMAY, “Sa mga nalalabing mga araw bago ang awarding ng kontrata sa buwan ng Mayo sa sinumang mananalong bidder at magmamay-ari sa Philippine Orthopedic Center sa loob ng 25 taon, tatapatan ng mga maralita ng malakas na protesta ang bawat hakbang ng bidding process.”
Sa Marso 26 ang huling araw para magsumite ng aplikasyon ang mga interesadong bidder para sa Modernization of the POC, isang priority PPP project na nagkakahalagang P5.7 bilyon.
Pagkilos sa Mendiola
Bago ang Marso 26, magkakasa ang KADAMAY ng isang malaking pambansang pagkilos para biguin ang planong pagbebenta ng administrasyong Aquino sa POC. Sa Metro Manila, isang malaking protesta patungong Mendiola ang ikakasa ng grupo sa Marso 25.
Liban sa POC, nakahanay din ang aabot sa 30 pampublikong ospital sa bansa na isapribado ng administrasyon Aquino. Kabilang na dito ang 26 na ospital na ipapaloob ng gubyerno sa iskemang corporatization.