TODAS ang isang 12 anyos na lalaki makaraang barilin nang mapagkamalang unggoy ng isang lalaki sa Agbannawag, Tabuk City, Kalinga.
Nakilala ang nasawi na si Albert Dayag, taga-Conner, Apayao makaraang barilin ng suspek na si Albert Allib, ng Agbannawag, Tabuk City gamit ang kalibre .22 na baril.
Nabatid na nagbabakasyon lang ang biktima sa kanyang mga kamag-anak sa nabanggit na lugar.
Tinamaan sa kaliwang tiyan na tumagos sa kanyang kanang dibdib ang biktima na dahilan ng kanyang kamatayan.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng PNP Tabuk na isuko sa kanila ng mga matatanda sa Agbannawag ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon at para malaman kung ano ang tunay na pangyayari para sa pormal na pagsasampa ng kaso.