ARESTADO na ang 38-anyos na lineman ng isang cable company nang maaresto sa isinagawang follow up operation ng mga tauhan ng Muntinlupa City police kung saan ay inamin nito ang pananaksak, tangkang panggagahasa sa isang dalagita at planong pagnanakaw sa bahay na kinakabitan nito ng serbisyo sa cable, kagabi.
Sumuko matapos masukol ng mga tauhan ng Intelligence Section ng Muntinlupa Police sa may Festival Mall sa Alabang alas-11 ng gabi ang suspek na si Rommel Mendoza, 38-anyos, empleyado ng Eratec, third party cable contractor ng Skycable.
Ayon sa pulisya, kinakabitan ng suspek ng linya ng cable ang bahay ng dalagitang biktima na itinago sa pangalang “Christina” sa may De Castro Compound, Molina St., Brgy. Alabang ng naturang lungsod.
Nag-iisa lamang sa bahay ang biktima kaya sinamantala ito ng suspek at inumpisahang molestiyahin na nanlaban at nagsisigaw ng saklolo.
Dahil sa pangamba na maalarma ang mga kapitbahay, tinangkang patahimikin ng suspek ang biktima nang kanyang pagsasaksakin.
Sa kanyang pagtakas, tinangay ng suspek ang isang laptop computer at cellular phone ng biktima at hindi pa mabatid na halaga ng salapi.
Nang maaresto ang suspek, inamin nito ang pananaksak sa biktima ngunit itinanggi na pinagtangkaan niyang gahasain ito.