NAGING malagim na trahedya ang simpleng pag-eensayo sa graduation rites ng mga mag-aaral ng Phillipine Science High School (PSHS) sa Quezon City nang biglang mag-collapse at namatay ang isa sa kanilang estudyante, Martes ng umaga.
Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD)-Masambong police commander P/Supt. Pedro Sanchez, na ang biktimang si Rodesto Michael Lacerna, 15-anyos ay idinekalrang dead on arrival sa Phillipine Children Medical Center (PCMC).
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-9:oo kahapon ng umaga sa gymnasium ng PSHS sa NIA Road, Q.C.
Bago ito, tatlong araw bago ang pagtatapos ay nag-eensayo ang mga graduating students ng PSHS ng kanilang graduating rites sa darating na Biyernes nang biglang tumimbuwang ang biktima sa sahig.
Dinala muna sa klinika ng eskuwelahan ang biktima pero dahil lumala ang kondisyon ay isinugod ito sa PCMC.
Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya sa katawan ng biktima para malaman ang tunay na ikinamatay nito.
Idineklara naman agad ng pamunuan ng PSHS, isang government school na ang espesyalisasyon ay siyensya, na magdeklara ng half-day para sa mga estudyante asunod ng insidente.