NAGKABUTAS-BUTAS ang katawan ng isang ginang matapos i-hostage at pagsasaksakin ng walong ulit ng anak na may dipirensiya sa pag-iisip sa Pangasinan kaninang umaga.
Sa kabutihang palad, ligtas na sa panganib ang biktima na itinago sa pangalang Perla, 49-anyos residente ng Villasis, Pangasinan dahil hindi naman kalaliman ang tinamong saksak nito sa iba’t ibang parte ng katawan.
Hindi naman sinaktan ng suspek ang dalawang pamangkin na kapwa menor de edad na kasama rin na hinostage nito.
Nasukol naman ng pulisya ang suspect na si Billy Domingo, isang registered nurse pero hinihinalang sinumpong ng kanyang sakit sa pag-iisip.
Ayon sa mga kapitbahay, bago ang pananaksak ay bigla na lang sinunggaban ni Domingo na armado ng kutsilyo ang kanyang nanay at dalawang pamangkin at ginawang hostages.
Rumesponde naman agad ang pulisya sa lugar at pinakiusapan ang suspek na palayain ang kanyang nanay at kapatid pero tila wala itong narinig.
Maya-maya lamang, bigla na lamang pinagsasasaksak nito ang kanyang nanay at hindi pa nakontento ay tinangka pang sunugin ang kanilang bahay.
Sa puntong ito, pinasok na ng awtoridad ang bahay at nahuli naman agad ang suspek at nailigtas ang maglolola.
Nagtagal din ang hostage drama ng halos dalawang oras.
Pinag-aaralan naman ng pamilya ng suspek kung isasailalim nila sa psychiatric test ang registered nurse na si Domingo.