ARESTADO sa isang entrapment operation sa Lungsod ng Pasay ang isang pekeng lawyer at ang umano’y kasabwat nito sa pamemeke ng desisyon ng Korte.
Ayon kay Court Administrator Justice Midas Marquez, ang operasyon ay isinagawa ng NBI- NCR Division sa pangunguna ni Assistant Regional Director Vicente de Guzman the Third.
Kinilala naman ni De Guzman ang mga naaresto na sina Victoria de los Reyes at Glessy Cinco na kapwa nasa kustodiya na ng NBI Headquarters matapos madakip sa entrapment operation dakong alas dyes ng umaga kahapon sa loob ng Victory Liner Bus Terminal sa Malibay, Pasay.
Nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng isang babaeng complainant na inilapit ni Judge Mia Joy Cawit ng Baguio City Regional Trial Court Branch 4.
Nakilala umano ng biktima si Cinco nuong Pebrero ng taong 2011 mula sa isang kaibigan na hiningan niya ng tulong para sa annulment ng kanyang unang kasal.
Nangako naman daw si Cinco na tutulungan siya para maging mabilis ang pagproseso ng kanyang annulment na aabutin lamang umano ng tatlo hanggang apat na buwan kapalit ng 170 libong piso.
Humingi umano ang mga suspek ng dagdag na 50 libong piso para sa pagproseso ng kanilang mga dokumento sa United Kingdom Embassy sa Pilipinas.
Lumipas umano ang ilang buwan, pero ang natanggap lamang umano ng biktima ay ang photocopy ng diumanoy desisyon ni Judge Cawit para sa annulment ng kanyang kasal.
Pero nang kanyang beripikahin sa local civil registry sa Baguio Cty, nabatid na ang numero ng kanyang annulment case ay naka-assign sa isang adoption case sa sala ni Judge Cawit.
Bunsod nito, kumuha ng bagong abogado ang complainant at inilapit ang problema kay Judge Cawit na tumulong naman para mapadakip sa NBI ang mga suspek.
Nakatakda namang sumailalim sa inquest proceedings sina Delos Reyes at Cinco para sa isasampang reklamo na usurpation of authority, illegal use of alias at estafa through falsification of public documents.