MISTULANG naligo sa sariling dugo nang madiskubre ang bangkay ng isang watch repairman na tadtad ng saksak sa katawan sa loob ng tinutuluyang bahay kaninang madaling-araw sa Makati City.
Kinilala ang biktima sa alyas “Tata”, nasa hustong gulang, ng 9432 Magallanes St., Barangay Guadalupe Nuevo, ng naturang lungsod.
Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng Makati City Police ang suspect na si Oliver Aruy, nasa hustong gulang, empleyado ng isang supermarket, at kapitbahay ng nasawing biktima.
Sa imbestigasyon ng Makati City Police Station Investigation Division (SID), alas-2 ng madaling-araw nang madiskubre ang biktima na wala nang buhay ng kanyang mga kapitbahay.
Nauna rito, huling nakita ang biktima kamakalawa ng gabi habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan kabilang ang nadakip na suspek.
Sa kasarapan ng kanilang inuman ay naungkat ang dating alitan ng biktima at ng suspek kung saan ay nauwi pa ito sa suntukan ngunit agad naman itong naawat.
Dakong alas-2 ng madaling-araw ay nakita na lamang na patay na ang biktima kaya’t nang rumesponde ang mga pulis ay dinakip nila ang suspek habang inimbita nila ang huling nakainuman ng nauna upang humingi ng impormasyon sa ikalilinaw ng kaso.