NATUSTA nang buhay ang tatlo katao habang dalawa naman ang sugatan nang lamunin ng apoy ang isang lodging house sa Lanao del Norte, Miyerkules ng gabi (Marso 21).
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Kapatagan, natagpuan ang sunog na mga bangkay ng isang lalaki, isang babae at isang bata na magkakatabi sa loob ng banyo na nasa ikalawang palapag.
Bagama’t wala pang pagkakakilanlan ang mga biktima sanhi ng tinamong 3rd degree burn sa ulo at buong katawan, pinapalagay naman na ang tatlo ay isang mag-anak na umuokupa sa isa sa mga kuwarto ng nasunog na lodging house.
Nagtamo lamang ng minor burns ang may-ari mismo ng lodging house na sina Rolando Mocoro at asawa nitong si Ester.
Ayon sa mag-asawa, hindi nila matandaan ang pangalan ng tatlong namatay dahil kasama sa nasunog ang registration book ng kanilang lodging house.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-10:00 nitong Miyerkules ng gabi sa isang lodging house na nasa Purok 5, Poblacion Kapatagan, Lanao del Norte.
Sa imbestigasyon ng BFP, ang sanhi ng sunog ay mula sa lamparang natumba dahil dumaranas ng brown out sa lugar.
Naideklarang fire out ang sunog alas-11:30 ng gabi at tinatayang aabot sa P6 milyon ang naging danyos.