KALABOSO ang isang ginang matapos saktan ang totoy na naghahanap ng kalapati makaraang murahin ng huli ang anak ng una sa Caloocan City, Huwebes ng hapon.
Nahaharap sa kasong slight physical injury in relation to child abuse si Sharon Doyola, 32 ng Baltazar St., ng lungsod.
Sa ulat, dakong alas-4:45 ng hapon, napagod ang biktimang edad 12-anyos sa paghahanap sa nawawalang kalapati at naupo sa mga nakatambak ng gulong sa Baltazar St.
Lumapit ang anak ng suspek at sinipa sa paa ang biktima na naging dahilan upang magalit ang huli at murahin ang una.
Umuwi ang anak ng suspek at nagsumbong sa ina na naging dahilan upang puntahan ng ginang ang biktima.
Paglapit ng suspek ay agad itong sinampal ng suspek na nakita ng ilang barangay tanod na naging dahilan upang awatin ang ginang.
Hindi nagpapigil ang ginang at pinagkakalmot pa ang biktima na naging dahilan upang dalhin na ng mga barangay tanod sa presinto at nasampahan ng mga nasabing kaso.