KULONG ang tatlong lalaki matapos makuhanan ng mga drug paraphernalia habang nag-iinuman sa kalye sa isinagawang Oplan Galugad sa Valenzuela City Sabado ng gabi, Marso 23.
Nakilala ang mga suspek na sina Edmar Dalisay, 22 ng Medina st., Gen. T. De Leon na nakuhanan ng pipa na ginagamit sa paghitit ng marijuana; Jerwin Iraban, 28 at Sherdan Barandon, 17, kapwa ng Esteban st., Dalandanan kapwa ng lungsod na nakuhanan ng marijuana.
Sa ulat, dakong alas-10:45 ng gabi nang magsimula ang Oplan Galugad sa Sitio Bitik, Gen. T. De Leon kung saan nadakip si Dalisay.
Kasunod na sinuyod ng mga pulis ang Dalandanan kung saan nadakip sina Iraban at Barandon habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan.
Layon ng mga pulis sa pagsasagawa ng Oplan Galugad upang mabawasan ang mga nagaganap na krimen sa lungsod.