TINIYAK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sa buwan ng Hunyo ng taong ito ay ipatutupad ng pamahalaan ang Integrated Transport System (ITS) o ang pagkakaroon ng terminal sa north at south na sasalo sa mga bus na magmumula sa mga lalawigan sa bansa.
Kinumpirma ni LTFRB boardmember Ronaldo Corpuz na tuloy na tuloy na ang pagtatayo ng Integrated Transport System ayon na rin sa utos ni Pangulong Benigno Aquino III na maipatupad ang rehabilitasyon sa kahabaan ng EDSA.
“Tuloy na talaga ito, yung mga bus terminal sa Edsa ay aalisin na at kung kanila na yung lupa doon maaari nilang maibenta at kung inuupahan nila ay maaari silang lumipat sa itinalagang designated areas ng pamahalaan” dagdag ni Corpuz.
Ayon kay Corpuz, tatlong lugar ang inaasahan na pagtatayuan ng ITS terminal, ito ay sa may Trinoma North avenue na sasalo sa mga bus na mula sa North Luzon Expressway (NLEX) at pangangasiwaan ng DOTC; isa sa FTI na sasalo sa mga bus na nagmula sa South Luzon Expressways (SLEX) na pangangasiwaan ng DPWH at isang terminal sa Coastal area na sasalo sa mga bus na dumaan sa Cavite expressways na pangangasiwaan ng MMDA.
Aminado naman si Corpuz na malamang na magdulot ng trapin ang hakbang sa pagsisimula ng pasukan sa eskuwela sa Hunyo dahil sa nasabing buwan din inaasahan ang pagbubukas ng ITS. Masusing pag-aaral ang ginagawa ng naturang mga ahensya ng pamahalaan para maiwasan ang magiging epekto nito sa mga motorista at sa mga mag-aaral.
Kasabay nito, inanunsiyo din ni Corpuz na nitong Marso 22, 2013 ng alas-7:00 ng gabi ay umaabot na sa 526 units ang napagkalooban ng special permit ng LTFRB para makapasada sa mga lalawigan sa panahon ng Semana Santa. Umaabot sa 732 units ng bus ang nag-aplay sa LTFRB para sa special permit.