INIUTOS ng Quezon City court na isalang na sa arraignment ang dalawa pang suspek sa 2009 Maguindanao massacre makaraang ibasura ang kani-kanilang mosyon na humihiling na maibasura ang kanilang kasong multiple murder kaugnay ng krimen.
Itinakda ni QC Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ang pagbasa ng sakdal sa mga akusadong sina Jonathan Ampatuan and Richard Gofel sa April 3 sa Quezon City Jail-Annex in Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Binigyang diin ni Judge Reyes na pinawalang bisa ang motion to quash na isinampa ni Ampatuan dahil nakakita ang korte ng sapat na ebidensya para maidiin sila sa kaso.
Sa kaso naman ni Gofel, hindi pinaniwalaan ng korte ang sinasabi nito na nagkamali ang awtoridad sa pagkakaaresto sa kanya. Sinabi ni Judge Reyes na dapat sumailalim si Gofel sa masusing pagdinig para mapatunayang wala siyang kasalanan sa krimen.
Sinasabi ni Gofel na hindi siya ang sinasabing “Fahad Utto” na sangkot sa naturang krimen.