MATAPOS ang halos dalawang taon pagtatago, naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang pulis matapos ang isinagawang pagsakalay sa isang public cemetery kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Kalaboso ang suspek na si Ludigario Adoptante, 29, construction worker at nakatira sa Target 1 Delarama, Barangay BF, nang arestuhin ng mga tauhan ng Special Operations Unit sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Parañaque Regional Trial Court (RTC) Judge Fortunito Madrona ng Branch 274 sa isinagawang operasyon sa Parañaque Public Cemetery sa Tramo, San Dionisio, dakong alas-10 ng umaga.
Ayon kay Parañaque police chief Senior Supt. Andrei Felix, si Adoptante, kasama ang dalawa pa na nakilala sa mga pangalang Erwin Tabora at Fidel Tabora, Jr. ay nagtulong-tulong upang paslangin sa pamamagitan ng taga at saksak si PO2 Arnel Napuli noong Setyembre 3, 2011.
Nagpapahinga na sa kanyang bahay si Napuli nang hingan ng tulong ng mga barangay tanod dahil sa nagaganap na kaguluhan sa isang basketball court sa kanilang lugar.
Nang magresponde ang pulis, pinagtulungan siyang pagsasaksakin at tagain ng mga suspek kanyang ikinamatay.
Napag-alaman na bagama’t sugatan, nagawa pang manlaban ni Napuli at nabaril sa tiyan ang isang Gwen Adoptante.
Sinabi naman ni SPO4 Charlie Bayocang SOU na tinutugis pa nila ang dalawang kasabwat ni Adoptante sa pagpaslang dahil may inilabas ding warrant of arrest si Judge Madronalaban sa kanila.