TATLONG araw pinagpasasaan na gahasain ng isang tricyle driver ang kanyang pasaherong dalagita sa General Santos City.
Nasa kustodiya na ngayon ng Makar PNP at kakasuhan ng panggagahasa, illegal detention at corruption of minor ang suspek na si Angelven Alba, 17-anyos ng Sto. Nino, Barangay Apopong, GenSan.
Plano namang dalhin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang biktima na itinago sa pangalan na Rizza, 14-anyos, para sa kaukulang disposisyon.
Nahuli ang suspek nitong Miyerkules ng gabi sa kanyang bahay matapos makatanggap ng impormasyon na naroon ang suspek sa kanilang bahay.
Sa imbestigasyon ni P02 Olsicino Padere ng Makar-PNP, bago ang insidente ay pasahero ng suspek ang biktima at imbes na ihatid sa kanilang bahay ay sa kanyang bahay dinala ang dalagita at doon ay pinagsamantalahan.
Hindi pa nakontento, ikinulong pa ng suspek ang dalagita at sa loob ng tatlong araw ay makailang ulit nitong ginahasa ang biktima ngunit nagawa nitong makatakas at makapagsumbong sa awtoridad.
Sa presinto, itinanggi ng suspek at sinabing hindi niya kilala ang biktima na basta na lamang sumakay sa kanyang tricycle.
Inamin naman ng suspek na kanyang pinatulog sa kanilang bahay ang biktima matapos magpumilit na sumama sa kanya pero wala aniyang nangyari sa kanilang pagtabi sa higaan.