VILLASIS, PANGASINAN – Matapos hindi mag-ambag sa inuman, isang magsasaka ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng mga kainuman sa bayan ng Villasis sa nasabing lalawigan kahapon, Pebrero 24.
Kinilala ng Villasis police ang biktimang si Roel Garcia, ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon, nakipag-inuman ang biktima sa dalawang lalaking sina Hermanico Capisnan at John Felix.
Nang sila’y magbabayad na, hindi umano nag-ambag ang biktima sa kanilang ininom dahilan upang magalit ang mga suspek at pagsasaksakin ito.
Nabatid na mismong kapatid ng biktima na napadaan sa lugar ang nakakita sa nakasubsob at duguang katawan ng biktima sa isang poste ng street light.
Ilang residente naman ang nakakita sa dalawang suspek na huling nakasama ng biktima bago ito matagpuang wala ng buhay.
Inamin ng suspek na si Felix na pag-ari nito ang natagpuang kutsilyo subalit pinabulaanang siya ang sumaksak sa biktima.
Nakakulong na ngayon ang dalawang suspek at nasampahan na ng karampatang kaso. ALLAN BERGONIA