SUMIPA na sa 1,561 ang naitala ng pambansang pulisya na lumabag sa ipinapatupad na Comelec gun ban simula ng mag-umpisa ang election period noong Enero 10.
Sa report na inilabas ng PNP alas-8:00 kahapon, Linggo, nasa 1,501 na sibilyan ang naaresto dahil sa nasabing paglabag.
Habang 15 dito ay mga government officials, 11 pulis, anim na sundalo, 20 security guards, isang bumbero, dalawang miyembro ng Citizens Armed Force Geographical Units (CAFGU) at limang miyembro ng iba pang law enforcement agencies.
Nasa 1,173 firearms at 14,818 deadly weapons ang nakumpiska ng pulisya sa isinagawang checkpoints.
Tiniyak naman ng PNP na lalo pa nilang palalakasin ang kanilang mga checkpoint at paiigtingin ang kanilang kampanya sa loose firearms habang papalapit ang May election. JOHNNY ARASGA