UMABOT sa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang sunog kaninang madaling-araw sa Balut, Tondo, Maynila.
Ayon sa Manila Fire Department, ala-1 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa tahanan ng isang Jerry sa Bgy. 129, Balut.
Tuluyan namang naapula ang sunog ganap na alas-5 ng umaga kung saan umabot sa ikalimang alarma.
Nalaman na mabilis kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials ang mga natupok na tahanan.
Sa inisyal na imbestigasyon, nag-ugat ang sunog sa faulty electrical wiring.
Gayunman, ilang residente ang nagsasabi na bago sumiklab ang apoy ay may narinig pa silang malakas na pagsabog.
Tinatayang umabot sa P2-milyon ang halaga ng mga napinsalang ari-arian.
Sa ngayon ay pansamantalang nanunuluyan sa mga itinakdang evacuation center malapit sa lugar ang mga nasunugan. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN