PATAY ang isang tricycle driver matapos pagtulungang hambalusin ng magkapatid na kanyang nakaalitan sa Paco, Maynila.
Hindi na umabot pa ng buhay nang isugod sa Santa Ana Hospital ang biktimang nakilalang si Alfredo Manalo, 59-anyos, tricycle driver, at naninirahan sa 1647 Int. 13 Pedro Gil St., Paco, Maynila, bunsod ng pagkabasag ng bungo nito nang hambalusin ito ng bat sa ulo.
Nakapiit na sa detention cell ang mga suspek na kinilalang sina Zaldy Guevarra, 42-anyos, karpintero, at kapatid nitong si Michale Guevarra, 36-anyos, tricycle driver at pawang mga naninirahan sa 1538 Antonio Isip St., Paco, Maynila.
Sa report ni SPO2 Glenzor Vallejo ng Manila Police District (MPD) – Homicide Section, naganap dakong alas 11:30 ng tanghali ang pamamaslang sa kahabaan ng Antonio Isip St., Paco, Maynila.
Nauna rito, galing umano sa prosesyon ang biktima at papauwi na ng bahay nang madaanan si Zaldy na noon ay nakahiga umano sa naturang kalye at lasing na lasing.
Sinita at pinatayo umano ng biktima si Zaldy upang makadaan ito subalit bigla na lamang itong nagalit hanggang sa mauwi na ito sa mainitang pagtatalo at suntukan. Ilang sandali pa ang lumipas ay sumugod at sumaklolo pa umano ang kapatid ni Zaldy na si Michale na may bitbit pang baseball bat.
Nang dumating sa lugar ay walang sabi-sabi hinambalos ni Michale ng dala nitong baseball bat ang ulo ni Alfredo na nagresulta sa paglupaypay nito sa lupa hanggang sa mawalan ito ng malay-tao.
Agad namang rumesponde sa lugar sina Baranggay Tanod Renato Montealegre pati ang mga kasamahan nito kung saan naaresto ang mga suspek at dinala sa pinakamalapit na pulisya habang isinugod naman sa Sta. Ana Hospital ang biktima subalit hindi na ito umabot pa ng buhay.
Samantala, pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang mga kasong isasampa sa mga suspek.