LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato, Ene. 7 (PIA) — Umabot sa pitong mga barangay sa bayan ng Norala sa South Cotabato ang binaha dahil sa matinding pag-ulan simula pa noong araw ng Sabado, ayon sa Punong Bayan.
Kinumpirma kaninang umaga ni Norala mayor Victor Balayon na umabot sa mahigit 526 na pamilya mula sa mga Barangay Poblacion, Esperanza, San Jose, Lapuz, Liberty, Simsiman at Matapol ang apektado ng pagbaha na dala ng low pressure area sa Mindanao, na nauna ng naiulat ng Pag-asa.
Ang pagtaas ng tubig sa mga apektadong barangay ay sanhi din umano ng pagbara ng mga putol na kahoy sa dam at daluyan ng tubig na nasa mga nasabing barangay.
Pinagtulungan umano ng mga residente ang clearing operation dito upang maiwasan ang malaking pinsala sa mga pananim na palay ng mga magsasaka.
Tumulong na rin umano ang PDRRMC sa monitoring sa mga apektadong barangay dahil sa patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan.
Inirekomenda na rin ni mayor Balayon ang paglalagay sa state of calamity sa mga nabanggit na barangay upang mapadali ang pagpapalabas ng calamity fund na kakailanganin sa pagtulong sa mga apektadong residente.
Ngayong umaga ipinatatawag ni mayor Balayon ang sangguniang bayan sa isang emergency meeting para talakayin ang pagdeklara ng state of calamity.