SWAK sa kulungan ang isang binata matapos itanan at galawin ang dalagitang nobya sa Caloocan City Sabado ng umaga, Marso 30.
Nahaharap sa kasong rape in relation to child abuse si Macario Cunanan, 29, ng Administration Site, Tala ng lungsod.
Sa ulat, ilang araw na ang nakalilipas ay nagpaalam ang biktimang edad 15 sa kanyang lola na sasama sa isang kamag-anak na uuwi sa Quezon na naging dahilan upang ito ay payagan.
Kanina, alas-7:30 ng umaga, isang kapitbahay ang nagsabi sa lola na ang kanyang apo ay nakipagtanan sa suspek.
Agad na nagpunta sa kanilang barangay ang lola upang puntahan at mabawi ang apo.
Nang madatnan ng lola ang apo sa bahay ng suspek ay ipinadakip ang huli bago sinampahan ng mga nasabing kaso.
Inamin naman ng suspek na nagalaw niya ang biktima.