BINALAAN ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko laban sa henna tattoo dahil maaari itong magresulta sa permanenteng pinsala sa balat.
Nabatid na ang babala ay ginawa ng FDA kasunod na rin ng insidente sa Estados Unidos kung saan 5-anyos na batang lalaki ang nakaranas ng lubhang pamumula at pamamaga ng balat dahil sa paggamit ng henna tattoo.
Nilinaw ng FDA na sa Pilipinas ay wala pa namang naiuulat na parehas na insidente subalit kailangan ng pag-iingat partikular na sa mga bata, lalo na at marami ang nahihilig sa henna tattoo sa bansa.
Babala ng FDA, mapanganib ang henna tattoo sa balat lalo na kung ang henna na ginamit ay hindi dumaan sa pagsusuri ng FDA.
Binigyang-diin ng FDA na ang anumang temporary skin-staining products ay dapat na may approval ng FDA.
“All temporary skin-staining products, commonly known as henna dye products, need Philippine FDA approval as cosmetic products before they are marketed or used in the country.The extra ingredients, in particular p-phenylenediamine (PPD), make the dye harmful. PPD evokes skin reactions which may lead to severe inflammation and scar formation,”paliwanag ni FDA Director Kenneth Hartigan-Go.
Ipinaalala rin nito na ang lahat ng manufacturers, importers at distributors ng temporary tattoo ay dapat na humingi ng permiso sa FDA bago makapag-operate at ipabatid sa ahensya ang ingredients ng kanilang mga mixture upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Pinayuhan din nito ang publiko na ireport sa ahensya sa pamamagitan ng kanilang email address na info@fda.gov.ph kung may nalalaman na mga nagseserbisyo ng temporary tattoo na walang permit sa FDA.