IMBES makulay, naging madugo ang pakikipagkita ng isang estudyante sa kanyang karelasyon sa text nang salubungin nito ang mga putok ng baril mula sa isa sa dalawang hindi nakikilalang armadong kalalakihan sa kanilang tagpuan sa Quezon City, kaninang madaling-araw.
Dead on the spot sanhi ng tama ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Art John Paul Arongad, 22, ng Masaraga St., Barangay Tatalon.
Nakaligtas naman sa pamamaril ang pinsan ng biktima na si John Ray Arongad, 19-anyos.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Johnny Mahilum ng Quezon City Police District Criminal-Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente ng 12:05 ng madaling-araw sa Sto. Domingo Avenue malapit sa kanto ng Atok St., Barangay Sto. Domingo.
Bago ito, kausap ng biktima sa kanyang cellphone ang girlfriend na nakilala lamang sa alyas na Carmi Moto para magkita ang dalawa sa itinakdang lugar.
Habang naghihintay ang biktima sa pagdating ng nobya, isang kulay green na SUV ang biglang pumarada sa kanyang harapan at isang lalaki ang bumaba at may bitbit na isang kalibre .9mm at saka ito pinagbabaril.
Nakatakbo pa ang biktima ngunit hinabol pa rin ito ng salarin at muling pinagbabaril pagsapit naman sa tapat ng Sena Café Tirad Pass St., Sto. Domingo bago nagsitakas.