PATAY ang isang crew ng Jollibee fast food chain matapos barilin ng nakaalitang grupo ng kalalakihan sa Taft Avenue, Maynila kaninang madaling araw.
Halos limang oras pang nakipambuno kay kamatayan nang isugod sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Elbert Budlat,22,resident eng 1448 leon Guinto Street, Malate, Maynila at empleyado ng Jollibee PGH Taft Branch na matatagpuan sa Taft Avenue panulukan ng Pedro Gil St., Ermita, Maynila.
Arestado naman ng Manila Police District-Station 5 ang isa sa suspek na nakatakdang i-turn over ngayon sa MPD headquarters na nakilalang si Jason Ignacio,28, at residente ng 1261 Sagay St., Paco, Maynila.
Habang nakatakas naman ang gunman na si Raymon Yap at kasamang si Rolando Elizalde.
Sa inisyal report ni SPO1 Rommel del Rosario, imbestigador ng MPD-Homicide Section, dakong alas 3:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob mismo ng nasabing establisyimento .
Nauna rito, kaaalis lamang umano ng biktima sa nasabing establisyimento sakay ng service motorcycle ng Jollibee upang magdeliver nang maka-iringan ang tatlong suspek na magkakaangkas naman sa isang motorsiko na may plakang 1807-XZ.
Nasa right of way umano ang biktima habang nag-counter flow ang mga suspek dahilan upang magkaproblema sa trapiko.
Sa takot ni Budlat (biktima), bumalik ito sa kanilang branch ngunit sinundan ito ng mga suspek hanggang sa loob ng establisyimento.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at mga suspek hanggang tinangka naman silang awatin ni Jeffrey Laron, shift manager ng fast food ngunit isa naman sa suspek ang pumigil sa kanya.
Sumunod na umawat ang guwardiya na si SG Efren Bales, subalit biglang inagaw ng isa pang suspek ang service firearm .38 calibre ng una at agad na itinutok sa mukha ng biktima kunsaan nagtamo ng isang tama ng bala sa ilalim ng kanang mata nito.
Agad na tumakas ang dalawang suspek ngunit naaresto naman si Ignacio.
Gayunman, nagawa pang isugod sa nasabing pagamutan ng Jollibee back up crew na si Benedicto Imperial ang biktima ngunit binawian din ng buhay ganap na 7:25 ngayong umaga.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang tinutugis naman ang dalawa pang nakatakas na suspek.