PATAY ang isang 35-anyos na ginang matapos tumalon mula sa ika-17 palapag ng isang condominium sa Quezon City kahapon ng tanghali, Agosto 23, Miyerkules.
Kinilala ni Supt. Igmedio Bernaldez, hepe ng Quezon City Police station 2-Masambong, ang biktimang si Lyn Supnet, ng #18 Sultan Kudarat St., Urduja Village, Novaliches, Caloocan City.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.
Sa imbestigasyon ni PO3 Roldan Cornejo, ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU), naganap ang insidente alas-12:30 ng tanghali sa Walk Way ng ika-17 palapag ng Grass Residences Tower 2 sa Brgy. Santo Cristo, QC.
Bago ang insidente, nagtungo ang biktima sa tinitirhan ng kanyang hipag na si Ramona Bejo sa #1743-44 ng nabanggit na condominium.
Napansin ni Bejo na kakaiba ang ikinikilos ng hipag at nasa bandang balkonahe ito at tangkang tatalon.
Agad pinigilan ni Bejo si Supnet, kinalma ito at inilayo sa balkonahe ng kanyang unit.
Sandaling iniwan ni Bejo ang hipag dahil may aayusin ito sa loob ng kanyang condo unit nang makita na niyang nakahawak sa grill ng balkonahe ang hipag.
Tinangka pa niya itong isalba ngunit nahulog pa rin ito at agad binawian ng buhay sa taas ng pinaglaglagan nito.
Ipinagbigay-alam ni Bejo ang insidente sa security personnel ng naturang condominium kung saan sa ngayon ay iniimbestigahan na ng pulisya kung may foul play sa insidente. SANTI CELARIO