TATLONG katao ang sugatan kabilang ang 15-anyos na binatilyo matapos ang pamamaril ng hinihinalang kalabang grupo ng kabataan sa Navotas City kaninang madaling-araw, Sept. 2.
Sina Genes Sese, 23, ng Kapalaran 3, Brgy. Daanghari; Clemento Lozado, 33, at kanyang 15-anyos na pinsan, kapwa ng Rd. 10, cor. C3 Rd., Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) ay ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tama ng bala.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 12:45 ng madaling-araw, nag-iihaw ng isda si Lozado at kanyang menor-de-edad na pinsan sa harap ng kanilang bahay nang dumating ang grupo ng kabataan na sakay ng tricycle at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga ito.
Tinamaan si Lozado sa kaliwang tainga habang ang kanyang pinsan ay tinamaan naman sa kanang at paa, habang si Sese na nasa harap ng gate ng Navotas Fish Port ay nahagip naman ng ligaw na bala sa kaliwang braso.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Paniwala ng mga biktima na may kinalaman umano ang insidente sa away sa pagitan ng grupo ng mga kabataan ng Sawata kontra sa grupo ng mga teenagers sa Sitio Puting Bato. ROGER PANIZAL