DINAMPOT ng pulisya si Puerto Princesa vice mayor Luis Marcaida III matapos salakayin ang kanyang bahay at makakumpiska ng ilang piraso ng baril at droga kaninang Lunes ng umaga.
Si Marcaida III ay nakakulong na ngayon sa Palawan Provincial Police Office (PPP0) at nakatakdang sampahan ng kasong possession of guns and ammunition at possession of drugs.
Sa ulat, naganap an pagsalakay dakong 6 a.m. sa bahay ng suspect sa Jacana Road, Brgy. Bancao-Bancao, Puerto Princesa.
Bago ito, may impormasyon na nakuha ang awtoridad na may mga nakaimbak na armas at droga sa bahay ni Marcaisa III.
Sa bisa ng isang search warrant na ipinalabas ni Manila City Regional Trial Court Executive Judge Reynaldo Alahambra sa paglabag sa Section 11, Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, sinalakay ng mga operatiba ng Philippine National Police Drug Enforcement Group, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Puerto Princesa City Police Station at Palawan Provincial Police Office ang bahay ng suspek sa nasabing barangay.
Narekober sa bahay ni Marcaida II ang 30 sachets ng hinihinalang shabu na nakabalot sa isang transparent plastic pack, 1 .22 cal rifle, 3 rifle grenades, 1 fragmentation grenade, at 4 na .45 cal. pistols.
Ang pag-imbentaryo sa nakumpiskang droga at paghahalughog ay patuloy na isinasagawa sa presensya ni Barangay Captain Marilou Gumangan ng Bry. Bancao-Bancao, Barangay Captain Francisco Gabuco ng Brgy. San Pedro sa Puerto Princesa, at local media. BOBBY TICZON