POSIBLENG biktima ng hazing ang isang 22-anyos na first year law student ng University of Sto. Tomas (UST) na natagpuang patay sa Tondo, Manila.
Hindi na umabot nang buhay sa Chinese General Hospital ang biktimang si Horacio Tomas Castillo III, tinatayang 5’7 ang taas, naka-jersey short pants at kulay puting t-shirt na may nakasulat ng Political Science-University of Sto Tomas.
Sa report ni PO3 Jorlan Taluban ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 7:00 ng umaga nang natagpuang ang bangkay ng biktima sa kanto ng H. Lopez Blvd. at Infanta St., Balut, Tondo.
Ayon sa isang testigo, sakay siya ng kanyang motorsiklo papunta sa San Lazaro Hospital nang mapadaan siya sa isang tindahan para bumili ng sigarilyo nang napansin ang bangkay ng biktima na nakahandusay at nakabalot ng isang kumot.
Sa tulong ng isa pang motorista, dinala ang biktima sa Chinese Hospital kung saan idineklarang dead-on-arrival.
Sa pagsusuri, nakitaan ng mga pasa sa braso ang biktima at sangkaterbang patak ng kandila o paso sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na indikasyon na pinahirapan ito.
Una nang iniulat ang biktima na nawawala ito ilang araw na hanggang sa natagpuan itong patay.
Ayon kay Horacio II, ama ng biktima, nakatanggap ito ng text dakong 1:00 ng madaling-araw na nasa Chinese Geneal Hospital ang kanyang anak at patay na.
Hindi naman aniya matanggap ang pagkamatay ng kanyang anak sa ginawang pagpapahirap ng umao’y kasapi ng Aegis Juris Fraternity.
Ayon naman kay Minnie Castillo, ina ng biktima, hindi niya lubos maaisip na kayang gawin ito ng isang may matinong pag-iisip.
Humihingi ngayon ang pamilya ng biktima na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang anak na panibagong biktima ng hazing.
Paliwanag naman ni Dra. Milagros Probador ng MPD Crime Laboratory at nagsagawa ng awtopsiya sa bangkay ng biktima na sobrang pagpapahirap sa katawan nito ang dahilan ng pagkamatay nito.
Ang bangkay ng biktima ay kasalukuyang nakalagak sa Archangel Funeral Homes para sa safekeeping at awtopsiya.
Wala pa namang ibinibigay ang pamunuan ng UST hinggil sa brutal na pagkamatay ng biktima sanhi ng hazing. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN