PATAY ang 32-anyos na tricycle driver nang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang lalaki kaninang umaga sa Tondo, Maynila.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Jaymark Carillo nakataira sa Raxabago St., Tondo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5:16 ng umaga nang maganap ang krimen sa kanto ng Dagupan Extension at Raxabago.
Nauna rito, naghihintay ng maisasakay na pasahero ang biktima nang lapitan ito ng isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki na pawang nakatakip ang mukha.
Dito na nagpaputok ang angkas ng motorsiklo ng apat na beses bago tuluyang humarurot patungong Tiuseco Street.
Inamin naman ng kaanak ng biktima na dating gumagamit ng droga ang biktima ngunit matagal na ito ng tumigil.
Sinabi naman ng ilang opisyal ng barangay sa kanilang lugar na wala itong rekord sa pagkakasangkot sa iligal na droga. Patuloy pang inaalam ng pulisy ang pagkakilanlan ng mga suspek at motibo sa krimen. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN