PATAY ang isang ginang at sugatan naman ang nakababatang kapatid nito na kapwa negosyante nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang armadong salarin habang patungo sa pagpupulong ng kanilang kompanya kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Dead on arrival sa Alabang Medical Center si Guilma Bathan, 52, ng Hawaii St., Camella Homes 2-A Bacoor City sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng kalibre .9mm sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang nasa ligtas ng kalagayan sa naturan ding pagamutan ang kanyang kapatid na si Ma. Victoria Rendor, 42 ng Blk 3 Lot 12 &14 Villa Antonina, San Nicolas Dos, Bacoor City na nahagip ng bala sa likod at kanang braso.
Sa isinumiteng ulat kay Las Piñas Police Chief Senior Supt. Adolfo Samala, Jr. alas-10 ng umaga nang maganap ang pananambang sa mga biktima sa harapan ng Dona Josefa Village sa Pilar Road, Almanza Uno.
Nauna rito, sakay ng kotseng may plakang WCL-484 ang magkapatid na minamaneho ni Rendor patungo sa kanilang kompanyang pabrika ng plastic sa Dona Josefa Village nang harangin ng nag-iisang salarin na sakay ng motorsiklo.
Walang sabi-sabing pinagbabaril ng suspek ang kanang bahagi ng sasakyan kaya’t napuruhan kaagad si Bathan na naging dahilan ng kanyang kamatayan. Nakapagresponde naman kaagad ang kapatid na lalaki ng mga biktima na si Salvador Rendor na siya na ring nagdala sa dalawa sa pagamutan.
Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan sa negosyo o personal na alitan ang motibo sa pananambang.