PINAGPAPALIWANAG ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang diplomat na responsable sa pagkakabangga sa kanyang sasakyan at tumakas nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Tolentino, nagpadala na sila ng liham sa embahada ng diplomat na kanya namang itinangging pangalanan ngunit iginiit na kailangang magpaliwanag ang pamunuan nito sa iligal na ginawa ng kanilang diplomat.
Nagpahayag ng pagkabahala si Tolentino sa pang-aabuso sa kanilang “immunity” sa batas ng Pilipinas. Maaaring inaabuso na ng mga ito maging ang simpleng batas trapiko ng kanilang “host country” tulad ng Pilipinas.
Sa naunang pahayag nito, lulan siya ng kanyang Honda Civic na minamaneho ng kanyang tsuper na si Reynaldo Ramos dakong alas-8 ng gabi sa may kanto ng Buendia at Roxas Boulevard nang bungguin buhat sa likuran ng isang Mitsubishi Montero na minamaneho mismo ng diplomat.
Nang komprontahin ni Ramos, galit pa aniya ang naturang dayuhan na sinabing kaya sila binangga ay dahil sa mabagal ang pagpapatakbo. Nagmamadali umano ang diplomat dahil may miting pa ito sa kanyang Ambassador.
Habang nakikipag-usap pa, tumakas na ang diplomat. Humingi naman ng saklolo ang MMDA sa traffic enforcers ng Pasay City sa may Taft Avenue ngunit tinakasan rin ito ng dayuhan at inihagis na lamang sa labas ng bintana ang kanyang mga dokumento.
Hindi naman nagtamo ng malaking pinsala ang sasakyan ni Tolentino.