SINAIT, ILOCOS SUR – Isang barangay kagawad na nagpaplanong tumakbo bilang kapitan ang napatay kagabi, October 9, matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek sa Brgy. Sta. Cruz, Sinait sa nasabing lalawigan.
Patay sa pinangyarihan ng krimen dahil sa tama ng bala sa ulo, batok, at leeg si Jimmy Reyes, ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon, nakipag-inuman si Reyes kasama ang siyam na kabarangay at dalawang suspek na hindi muna pinangalanan.
Ayon sa pulisya, si Reyes umano ang nag-aya ng inuman sa dalawang suspek at habang sila’y nag-iinuman ay bigla na lang siyang nilapitan at pinagbabaril ng mga suspek alas-9:00 ng gabi.
“Tinawagan niya daw sa cellphone ang dalawa. Pumunta naman daw sila pero hindi sila ‘yung nagkukwentuhan. Wala naman daw naging awayan,” ani Sinait Municipal Police Station (SMPS) commander C/Insp. Reynaldo Mendoza.
“Basta nilapitan na lamang siya at doon na pinagbabaril. Pagkatapos noon, umalis na sila. Na-identify naman ng mga testigo ang mga suspek,” dagdag ni Mendoza.
At-large pa rin hanggang ngayon ang mga suspek.
Hinihinalang ang pagbabalak ng biktima na tumakbo bilang barangay chairman sa susunod na May 2018 SK and barangay elections ang motibo sa pagpatay.
“Nababanggit daw ng biktima na plano niyang tumakbong kapitan. Magpipila sana siya ng kandidatura pero hindi naman tuloy ang eleksyon,” ayon pa kay Mendoza.
Kinumpirma naman ng misis ng biktima na si Yvette Reyes na plano ng mister niyang tumakbong barangay chairman.
“Sabi niya, subukan daw niyang tumakbong chairman at sana payagan siya ng mga kabarangay niya na siya ang mamuno sa kanila. Alam nila dito sa barangay namin na tatakbo sana siya sa eleksyon,” ani Yvette.
Nasa ikalawang termino bilang kagawad ng Brgy. Sta. Cruz si Reyes. ALLAN BERGONIA