NATAGPUAN ang naaagnas na bangkay ng 25-anyos na Korean national habang nakabigti sa loob ng isang condominium unit sa Quezon City kaninang madaling-araw, Oktubre 10, Martes.
Kinilala ang biktimang si Nam Hyung Kang, binata, na natagpuang naaagnas habang nakabigti ng kanyang inang si Young Rung Chon, kapwa nito Koreano, sa loob ng kanyang condominium sa Unit 29R Le-Grand II, Tower Eastwood, Brgy. Bagumbayan, QC.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Marvin P. Masangkay, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), natagpuan ang bangkay ni Kang na nakabigti ng necktie sa hagdan ng condo unit nito dakong 2:15 ng madaling-araw.
Ayon sa ina ng biktima, pinuntahan niya ang kanyang anak na si Kang para dalhan sana ng mga pagkain at damit, subalit pagpasok nito sa condo ay sumalubong sa kanya ang masangsang na amoy.
Nang buksan nito ang ilaw ay tumambad sa kanya ang bangkay ng kanyang anak na hinihinalang may ilang araw nang patay.
Agad na nagtungo sa kusina si Chon at kumuha ng kutsilyo at pinutol ang necktie na nakapulupot pa sa leeg ng kanyang anak, bago ipinagbigay-alam sa security guard ng nasabing condo na siyang dumulog sa pulisya.
Nakuha ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD na pinamumunuan ni P/S Insp. Maridel Bringuez ang isang suicide note at last will testament na sulat Korean ng biktima. SANTI CELARIO